Hindi na palalawigin pa ng Commission on Elections (COMELEC) ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
Sa ambush interview sa SM Manila kay COMELEC Chairman Geoge Erwin Garcia, sinabi nitong ang deadline ng COC filing ay nagtapos na sa iba’t ibang lugar sa bansa noong September 2 maliban sa NCR, at Abra na in-extend lamang hanggang ngayong araw, kasunod ng nagdaang sama ng panahon.
Ayon kay Garcia, naobserbahan ng COMELEC na hindi na ganun kadami ang mga naghahain ng COC, mula nitong ikalawang araw ng Setyembre, kumpara sa unang araw na blockbuster o dagsa ang mga pumipila para maghain ng COC.
Kahapon, naglabas na ng partial result ang COMELEC na umaabot na sa mahigit 1.3 M ang naghain ng COC para sa BSKE 2023 sa buong bansa.