Halos 100% nang handa ang Commission on Elections (Comelec) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, patuloy ang pamamahagi ng accountable forms, mga balota at election returns na gagamitin sa halalan.
Ani Garcia, target na matapos ang delivery ng lahat ng accountable forms sa buong bansa ngayong linggo.
Noong October 5, nagsimula ang Comelec na mag-deploy ng official ballots at accountable forms, kung saan ipinadala ang unang batch sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Caraga.
Nakumpleto na rin aniya ang pagsasanay sa mga guro na magsisilbing electoral board member.
Sa ngayon, tinututukan ng poll body ang paghahanda para sa pag-setup ng pagboto ng vulnerable sektor, tulad ng mga senior citizen, persons with disabilities, at mga buntis.
Magkakaroon naman ng huling briefing para sa paparating na BSKE sa October 20.