Ipinagmalaki ng Commission on Elections (COMELEC) sa Senado na halos 100 percent na silang handa para sa idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na nasa 86.59 percent na ang naimprentang balota para sa regular voters at 90.62 percent na ang naimprentang balota para sa SK.
Target naman na matapos ang pag-iimprenta ng mga balota bago ang katapusan ng Pebrero.
Dahil hindi nabigyan ng dagdag na budget para sa halalan na iniurong sa Oktubre, gagamitin ng COMELEC ang kanilang savings at iba pang pondo para rito.
Susubukan din nilang manghingi ng dagdag na pondo sa Kongreso pero ito ay depende pa sa resulta ng 1.6 million na nagparehistro mula noong Disyembre 2022 hanggang nitong Enero 2023 na siyang pagbabatayan kung kailangan pa ng pondo para dagdagan o hindi na ang mga polling precinct.
Nasa P8.44 billion ang budget para sa halalan kung natuloy sana noong nakaraang Disyembre pero hindi na ito dinagdagan pa ng Kongreso para sa October polls.