COMELEC, halos patapos na preparasyon para sa 2025 midterm elections

Matatapos na ng Commission on Elections (COMELEC) ang ginagawang paghahanda para sa May 12, 2025 midterm elections.

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, nasa 90 hanggang 95 percent na ang ginagawa nilang paghahanda.

Aniya, sa kasalukuyan ay patuloy sa seminar at training ang mga miyembro ng Board of Elections Inspectors lalo na’t automated system na ang botohan.


Dagdag pa ni Garcia, patuloy rin ang ginagawang pagbeberipika ng mga naimprentang balota habang ang Voter’s Information Sheet (VIS) ay inaasahan matatapos ang pag-imprenta bukas, March 25.

Bukod sa paghihikayat sa publiko na iulat ang vote buying at paglalagay ng campaign materials sa hindi awtorisadong lugar, pinayuhan din ni Garcia ang mga kandidato na subaybayan ang kanilang mga kalaban.

Aniya, maari kasing magsamantala ang kalaban na kandidato at idiin ang sisi sa kanila kung saan inaasahan ng COMELEC na magiging mainit ang sitwasyon kapag nagsimula na ang kampaniya sa local positions.

Facebook Comments