Handa ang Commission on Elections (COMELEC) na idaos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sakaling magdesisyon ang Supreme Court (SC) na itakda ito sa mas maagang petsa.
Wala pa rin kasing desisyon ang SC sa petisyon na kumukwestyon sa Republic Act 11935 na nagpapaliban sa December 2022 barangay polls sa October 2023.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, sakali mang mas paagahin ng Korte ang BSKE ay handa ang komisyon na sumunod dito.
Dagdag pa ni Garcia, lahat ng gagamitin para sa 2023 elections ay nai-deliver na bago pa man matapos ang taong 2022.
Pagtitiyak ng opisyal sa publiko, magpapatuloy ang pag-imprenta ng balota para sa BSKE bago matapos ang Enero o pagkatapos ng pag-imprenta ng balota para sa special election sa Cavite.
Umaasa naman si Garcia na ilalabas ng SC ang desisyon ngayong Enero.
Samantala, hindi pa tinatalakay ng COMELEC ang posibilidad na palawigin ang voters’ registration period pagkatapos ng Enero 31.