COMELEC, handa na para sa plebesito sa Palawan ngayong Marso

Kasado na ang pagpapakalat ng mga election paraphernalia ng Commission on Elections para sa gagawing plebesito sa Palawan.

Ayon kay Teopisto Elnas Jr, Deputy Executive Director for Operations ng Comelec, sisimulan na nila ang deployment sa February 24 upang matiyak na nakalatag na ang lahat, bago ang March 13 na plebesito.

Ang plebesito ay para makuha ang pulso ng mga taga-Palawan kung pabor sila sa panukalang hatiin ito sa tatlong lalawigan.


Ayon naman kay Commissioner Antonio Kho Jr, anuman ang resulta ng plebesito ay desisyon ng mamamayan ng Palawan na kanilang ipatutupad.

Alinsunod sa mga napagkasunduan at desisyon ng COMELEC, ang pag-iral ng gun ban simula ngayong araw February 11 na tatagal hanggang March 20 bukod sa pagpaparuo.

Nailatag na rin ang deployment ng mga kailangang supply para sa 487 na polling precincts.

Ayon kay Director Elnas, mula Maynila ay dadalhin sa Provincial Treasurer’s Office ang mga election paraphernalia bago ililipat sa mga municipal treasurer.

May ilang lugar naman na dahil sa kanilang lokasyon ay diretso nang ihahatid ang mga suplay para sa plebesito kabilang ang mga bayan ng Cullion, Cuyo, Agutaya, Magsaysay at Puerto Princesa.

Bilang pag- iingat sa Covid 19, magpapatupad ng temperature check sa labas ng polling centers at kailangang pumirma sa health declaration forms ang mga botante.

Tig-5 lamang ang maaaring pumila at pumasok sa presinto at lahat ay kailangang sumunod sa social distancing at tamang pagsusuot ng face masks at shield.

Kung may lalabas na may sintomas o lagpas 37.5 degree celsius ang temperatura ay isasailalim sa pagsusuri ng medical personnel sa kada voting center.

Dito malalaman kung dapat silang bumoto sa itinakdang Isolation Polling Place na hiwalay sa regular na mga voting centers.

Facebook Comments