Comelec, handa na sa COC filing para sa 2025 Midterm Elections

All set na ang Commission on Elections (Comelec) sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) simula bukas, unang araw ng Oktubre.

Ngayong Lunes ng hapon, nagsagawa ng walkthrough at simulation ang poll body sa Tent City ng Manila Hotel kung saan maghahain ng COC ang mga kinatawan ng party-list groups at ang mga nagnanais tumakbo bilang senador sa 2025 midterm elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bago ang COC filing ay magdaraos muna sila ng misa bukas sa Chairmans Hall sa Intramuros.


Alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang filing na tatagal hanggang Oktubre 8.

Sa paghahain ng COC, magkahiwalay ang lamesa para sa party-lists na nasa kaliwang bahagi habang sa kanan naman ang para sa senatorial.

Hindi gaya ng mga nakalipas na COC filing, wala nang photo ops sa filing, at sa halip ay didiretso na sila sa area kung saan bibigyan sila ng pagkakataoon na magsalita.

Bibigyan ng sampung minuto ang mga maghahain para tumayo sa stage at magpakilala.

Tatlong minuto rito ang ilalaan sa pagpapakilala habang ang natitirang oras ay para sa tanong ng media.

Facebook Comments