
Cauayan City – Inihayag ng Commission on Elections na handa na ang kanilang tanggapan sa nalalapit na National and Local Elections ngayong May 2025.
Ayon kay COMELEC Region 2 Regional Director Atty. Ederlino Tabilas, 53% na ang natapos sa printing ng mga balota na gagamitin sa halalan.
Patuloy rin aniya ang ginagawa nilang Information dissemination sa buong Rehiyon kaugnay sa mga dapat at hindi dapat gawin sa pangangampanya katulad na lamang ng mga ipinagbabawal na campaign materials.
Paalala rin ng COMELEC na ngayong panahon ng pangangampanya, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng masasamang salita, pagmumura sa kapwa kandidato, pagpapalaganap ng fake news at maling impormasyon, at pagbabanta sa buhay ng kapwa kandidato.
Maliban dito, binigyang-diin din na bawal magtungo ang sinumang kandidato, kamag-anak o representative ng kandidato sa mga pay-out ng social services katulad na lamang ng TUPAD, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), 4P’s pay-out, at iba pang programa ng DSWD na maitataon sa panahon ng pangangampanya.
Patuloy naman umano ang ginagawang paghahanda ng COMELEC Region 2 upang masiguro na magiging malinis, maayos, at payapa ang isasagawang halalan ngayong taon.