Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na handa silang isumite ang mga dokumentong nagpapaliwanag sa mabilis na transmission ng 2022 poll results sa Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) sa susunod na linggo.
Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, nakatanggap sila ng liham na humihingi ng paliwanag sa transmission speed mula sa mga grupo ng poll watchdog.
Sinabi ni Laudiangco na ang mga dokumento ay hawak na ni poll commissioner na si Marlon Casquejo at ihahatid sa oversight committee pagkatapos ng pinal na pag-apruba ng Commission en banc.
Hinihintay na lamang ang pinal na aprubal ng Commission en banc kaugnay sa tugon at final authorization para ilabas ang datos.
Dagdag pa ni Laudiangco na dapat matanggap muna ng oversight committee ang mga dokumento, gaya ng nakasaad sa ilalim ng batas at idinagdag na wala silang itinatago sa publiko.
Paliwanag ng COMELEC, mabilis na naipadala ang election returns noong May 9 elections, kung saan 70 porsiyento ng returns ang naipadala sa loob ng tatlong oras at kakaunti lang rin ang naging mga problema ng mga vote counting machine (VCM).