COMELEC, handang pagkasyahin ang pondong ibibigay ng Kongreso para sa Barangay at SK Elections

Handa ang Commission on Elections (COMELEC) na pagkasyahin ang pondong ibibigay ng Kongreso para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections.

Ang pahayag ay kasunod ng pagpapaliban ngayong araw ng Senate Finance Committee sa pagdinig ng ₱5.2 billion 2023 budget ng COMELEC, matapos na mabigo ang ahensya na makapagsumite ng mga hinihinging dokumento sa komite.

Sinabi kasi ni Senator Imee Marcos, Chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms, “outlandish” o kakatwa ang hinihinging dagdag na ₱10 billion na pondo ng COMELEC para sa BSK Elections.


Nagulat si Marcos dahil ang ₱10 billion na hinihinging pondo ay bukod pa sa ‘existing’ na budget o katumbas ng 130% increase kaya naman tanong ng senadora ay kung dumoble ba ang bilang ng mga Pilipino.

Inirekomenda ni Marcos na palusutin ang 2023 General Appropriations Act at i-zero budget na lang ang BSK Elections lalo’t batas naman na ang October 2023 na BSK elections.

Paliwanag naman ni COMELEC Chairman George Garcia, mula sa P10 billion na dagdag na pondo para sa BSK Elections, naibaba nila ito sa ₱4 billion pero hindi na kasama rito ang para sa dagdag na honoraria ng mga guro at withholding tax.

Magkagayunman, handa naman ang COMELEC na pagkasyahin ang anumang ibibigay na pondo para sa 2023 Barangay at SK Elections at maglalagay na lamang sila ng mga adjustments.

Ilan dito ay sa halip na 400 voters sa bawat precinct ay gagawing 600 voters at gagamitin din ang mga natirang supplies sa nagdaang eleksyon.

Facebook Comments