COMELEC: Higit 900 PDLs, makakaboto para sa BSKE

Nasa kabuuang 936 Persons Deprived of Liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP) ang inaasahang boboto sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, ito ang unang pagkakataon na boboto ang PDLs para sa Barangay elections makaraan ang ilang pagpapaliban ng halalan at alisin ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) sa pagboto ng inmates sa local elections.

Dagdag pa ni Garcia, ang nasabing bilang ng PDLs ay kuwalipikado at rehistradong botante sa Muntinlupa City.


Wala pa aniyang hatol o nagpapatuloy pa ang paglilitis sa kaso ng mga naturang inmate kaya sila ay maaaring makaboto.

Kaugnay nito, bubuo ang poll body ng mga panuntunan para sa PDL voting.

Sinabi rin ni Garcia na bubuksan nila sa media at sa Local at International observers ang PDL voting para sa pang-barangay na halalan sa October 30.

Facebook Comments