Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na haharap na ang sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo sa kanilang tanggapan.
Ito ay matapos nilang pagbigyan ang hiling ng kampo ni Guo na magbigay ng palugit para sa paghahain nito ng counter-affidavit kaugnay sa kinakaharap na reklamong material misrepresentation.
Sa ambush interview kay Comelec Chairman George Garcia, sinabi nitong wala nang ibibigay pang extension ang poll body sakaling mabigo pang magtungo ang dating alkalde sa kanilang tanggapan.
Sinabi pa ni Garcia na sana ay mismong si Guo ang personal na humarap sa Comelec lalo’t nakabalik na rin naman siya sa Pilipinas.
Pagkatapos nito ay saka lamang gagawa ng findings ang Comelec Law Department para sa posibleng pagrekomenda na maghain ng kaso sa korte na may kaugnayan sa election offense.