![](https://i0.wp.com/rmn.ph/wp-content/uploads/2025/01/printing.jpg?resize=696%2C392&ssl=1)
Hindi na muna nagsasagawa ng pag-imprenta ang Commission on Elections (COMELEC) para sa mga balota na gagamitin sa Parliamentary Elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay kasunod ng pag-sertipika ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang urgent sa panukalang ipagpaliban muna ang unang BARMM elections sa darating na Oktubre.
Plano kasi itong isabay na sa midterm elections ngayong Mayo, para na rin makatipid ang pamahalaan sa gastusin.
Pero dahil sa bagong development, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na tigil muna sila sa pag-imprenta nito at tanging ang para sa National and Local Elections muna ang kanilang itinuloy.
Ayon kay Garcia, posible ring magkaroon ulit ng panibagong paghahain ng kandidatura para sa rehiyon sakaling mabago na ang mga distrito.
Epekto naman ito ng desisyon noon ng Korte Suprema na naghihiwalay sa Sulu bilang bahagi ng BARMM.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon nang pagtibayin ng SC ang ruling na nag-aalis sa lalawigan mula sa BARMM at ibinasura na rin ang mga mosyon na inihain kaugnay dito.
Sa ngayon, hihintayin na lang ng poll body na maipasa bilang batas ang pagpapaliban sa BARMM elections para sa ilan pang gagawing mga pagbabago.