
Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi pa nila agad maaksyunan ang pagbibitiw ni Congressman Edvic Yap bilang kinatawan ng ACT-CIS Party-list.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hihintayin muna nila ang pormal na abiso mula sa party-list na tinanggap na nila ang resignation ng kongresista.
Aniya, hindi lamang sa liderato ng Kamara dapat ipaalam ang pagbibitiw ng isang party-list representative, kundi maging sa mismong kinabibilangan nitong party-list. Pagkatapos nito titingnan ng COMELEC ang isinumiteng nominees ng ACT-CIS para iproklama ang papalit kay Yap.
Si Yap ang unang nominado sa listahan, na sinundan ni Rep. Jocelyn Tulfo bilang second nominee at ang negosyanteng si Jeffrey Soriano bilang third nominee.
Inanunsiyo sa plenaryo ng Kamara kahapon ang pagbibitiw ni Yap, na idinadawit din sa maanomalyang flood control projects.










