Hindi hahayaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang umano’y pagpapalit ng mga electoral board members sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na natanggap nila ang reklamo ng ilang guro sa Cotabato city kung saan tinanggal ang kanilang pangalan bilang electoral board members at pinalitan ng mga bagong pangalan.
Pagbibigay diin ni Commissioner Garcia, hindi nila ito papayagan dahil kung sino lamang yung mga itinalagang electoral boards ay sila lamang ang magsisilbi sa halalan sa Lunes sapagkat sumailalim ang mga ito sa serye ng training.
Ayon pa kay Garcia, kapag natapos na ang mga guro sa training sesertipikahan naman sila ng Department of Science and Technology (DOST) bilang certified electoral board members.
Ani Garcia malinaw itong nakasaad sa guidelines at ito lamang ang dapat na sundin sa buong bansa.