Hinikayat ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia ang mga botante na magsampa ng mga reklamo laban sa mga kandidato ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nangangampanya na bago pa man magsimula ang opisyal na campaign period.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, ang paghahain ng Certificate of Candidacy o COC para sa nasabing halalan ay sa August 28 hanggang September 2 habang ang campaign period ay isasagawa mula October 19 hanggang October 28.
Aniya, sa kasalukuyan ay wala pang kapangyarihan ang COMELEC kaya’t hihintayin nila ang August 28 para umaksyon kung may matatanggap na reklamo.
Payo ni Garcia sa publiko, bantayan na lamang ang mga kandidatong mangangampanya nang maaga saka ito ireklamo sa COMELEC.
Iginit pa ni Garcia na ang mga maghahain ng kanilang COCs ay ikokonsidera na bilang mga kandidato para sa BSK Election sa October 30.
Kaugnay nito, hinikayat ng COMELEC ang mga Pilipino na huwag iboto ang mga kandidato na lalabag sa batas.
Matatandaan naman na pinayagan ng COMELEC ang paghahain ng COC sa malls at iba pang lugar para sa field offices na kayang tumanggap ng pagdagsa ng tao.