COMELEC, hiniling sa Kongreso na magrenta na lang ng mga makina na gagamitin sa mga susunod na halalan

Inirekomenda ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na magrenta na lamang ng mga Vote Counting Machines o VCMs para sa isasagawang eleksyon sa hinaharap.

Ginawa ng chairman ang pahayag sa gitna ng deliberasyon ang kanyang kumpirmasyon sa Commission on Appointments (CA).

Kasabay nito ang mungkahi ni Garcia na i-retire na ang 90,000 VCMs dahil bukod sa tatlong halalan na ang pinagsilbihan gamit ang mga makina ay luma na rin ito.


Inihalimbawa ni Garcia na tulad sa mga cellphones na kada anim na buwan ay nag-a-upgrade at nagbabago ay ganito rin dapat sa mga makinang ginagamit sa halalan.

Naniniwala ang comelec chair na mas epektibo at mas matipid ang leasing o pagrerenta ng mga makina o VCMs dahil hindi na kakailanganing gumastos para sa warehouse na pag-iimbakan ng mga VCMs at hindi na kailangan ang regular na pagme-maintain ng mga makina.

Dagdag pa ng opisyal, sisiguraduhin din ng nagpapaupa na bago rin ang mga makina na ipaparenta tuwing halalan.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng poll body ang guidance ng Kongreso sa kung anong klase ng specifications ng makina ang gusto sakaling desisyunan na magrenta na lang.

Facebook Comments