COMELEC, hiniling sa Senado na ibalik ang ₱5.7 billion na tinapyas sa budget para sa paghahanda sa 2025 midterm election at 2025 BSKE

Umapela si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia sa Senado na ibalik sa kanilang 2024 budget ang tinapyas na P5.7 billion na pondo para sa paghahanda sa 2025 midterm elections at 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa pagdinig ng Senate subcommittee on Finance, aabot lamang sa P27.440 billion ang pondong inaprubahan ng budget department para sa COMELEC sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, malayo ito sa orihinal na budget proposal sa susunod na taon ng komisyon na aabot sa P44.772 billion.

Sinabi ni Garcia na sa mahigit P27 billion na pondo sa 2024 national budget, P22.938 billion ang ibinigay na alokasyon para sa paghahanda sa 2025 national at local elections at nasa P4.6 billion na lamang ang matitira sa personnel services at capital outlay ng COMELEC.


Pakiusap ng COMELEC Chairman sa Senado na ibalik sana kahit ang nabawas na P5.7 billion sa hinihingi nilang P28 billion na budget para sana sa paghahanda sa May 2025 midterm elections at December 2025 BSKE.

Aniya, kung hindi maibabalik ang tinapyas na pondo sa kanila ay mahihirapan silang makapaghanda sa mga gaganaping halalan sa 2025.

Sa hirit na P5.7 billion ay kasama rito ang overtime ng mga tauhan, pag-transport ng mga makinarya sa buong bansa para sa gagawing pilot testing sa gagawing magkasunod na midterm elections at BSKE.

Giit ni Garcia, dahil malaki ang tinapyas sa kanilang budget ay nawalan ng alokasyon para sa pagbili ng mga IT equipment, pagtatayo ng main building COMELEC at mga field offices, internet at iba pa.

Facebook Comments