Malaki ang pag-asa ng Commission on Elections o COMELEC na mabilis na aaksyunan ng 19th Congress ang mga nabinbing “electoral measures” sa katatapos na 18th Congress.
Sa ginanap na briefing ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni COMELEC Exec. Dir. Bartolome Sinocruz na kabilang sa mga panukala na sana’y maisulong muli sa susunod na Kongreso at maisabatas ang panukalang palakasin ang COMELEC Field Offices.
Ang panukalang ito ay naaprubahan sa Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ngunit sa Senado ay hindi ito nagkaroon ng counterpart ng panukala.
Posibleng dahil na rin sa kakulangan sa panahon kaya hindi na rin ito naisulong ng Senado.
Sa ilalim naman ng House Bill 10579, target na mas mapalakas ang field offices ng COMELEC sa pamamagitan ng pag-upgrade at pagkakaroon ng mga posisyon, na nag-aamyenda sa Section 53 ng Batas Pambansa 881, o Omnibus Election Code.