Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko na samantalahin ang natitirang araw bago ang deadline ng voters’ registration.
Sa September 30 matatapos ang voters’ registration, transfer, at reactivation para sa 2025 National and Local Elections.
Ayon sa COMELEC, wala nang pagpapalawig pa ng deadline ng registration.
Kailangan pa rin kasing i-proseso ang mga nirehistro mula July 16 hanggang sa September 30.
Kasunod nito ay magkakaroon pa ng hearing ang Election Registration Board sa October 13 kung saan dito aaprubahan o hindi ang mga nagparehistro.
Maaari kasing ma-disqualify ang voters’ registration kapag kinuwestiyon ang aplikasyon, walang maipakitang valid ID o hindi totoo ang mga impormasyong nakalagay sa mga dokumento.
Maaaring magparehistro sa office of the election officer o satellite registration office mula Lunes hanggang Sabado.