Comelec, hinimok ang publiko na samantalahin ang voter registration na magsisimula sa Biyernes

Muling nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko na samantalahin ang pagbubukas ng voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) pagpasok ng Agosto.

Ayon sa poll body, bukas mula 8am hanggang 5pm ang voter registration na ikakasa mula August 1 hanggang August 10.

Magkakaroon din ng Special Register Anywhere Program (SRAP) sa National Capital Region at mga piling lugar sa Region III at Region IV-A mula August 1-7, 2025.

Ang mga uri ng aplikasyon na tatanggapin ay gaya ng registration para sa first time voter, pagpapalit ng pangalan at status, correction of entries, reactivation ng registration records, inclusion sa registration records at reinstatement o pagbabalik ng pangalan sa listahan ng botante, updating ng records ng PWD, Senior Citizens at miyembro ng IP at ICC, paglilipat mula overseas bilang local voter.

Pasok naman sa online filing ang reactivation, reactivation with change/correction at reactivation with updating of records.

Tiniyak naman ng poll body na may priority lane sa voters registration para sa senior citizens, may mga kapansanan at mga buntis.

Facebook Comments