COMELEC, hinimok ni Sen. Leila de Lima na panagutin ang mga kandidatong namimili ng boto

Hinimok ni Senator Leila de Lima ang Commission on Elections (COMELEC) na paigtingin ang mga ginagawang imbestigasyon sa mga paglabag sa election laws.

Ayon kay de Lima, na isa ring dating election lawyer, dapat mas tutukan ng COMELEC ang mga ganitong isyu upang matiyak ang malinis at patas na halalan sa Mayo.

Giit ng senadora, mayroon man o walang complaint ay dapat umaksyon ang COMELEC sa mga ulat ng pamimili ng boto at panagutin ang sinumang mga nasasangkot dito.


Hindi aniya pwedeng basta magbulag-bulagan ang COMELEC kung may lantaran namang mga paglabag sa batas at pangmamaliit sa mga mandato.

Matatandaang kamakailan ay namahagi si Cavite Governor Jonvic Remulla ng pera bilang premyo habang nasa rally ng BBM-Sara UniTeam sa kanilang lalawigan.

Sabi pa ni de Lima, panahon na para sampolan ang mga nasasangkot at hindi dapat gawing normal ang pagbili ng boto.

Facebook Comments