Humihingi ng paumanhin ang Commission on Elections (COMELEC) sa dinaranas na inconvenience o abala sa maraming Pilipino ng proseso ng pagpaparehistro.
sa laging Handa public briefing sinabi ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco na nakarating sa kanilang kaalaman ang maraming reklamo ng mahabang pila, walang bubong, lantad sa ulan at init ang mga magpaparehistro.
Aniya ito ang dahilan kung bakit nakipag-partner na sila sa malalaking mall para gawing mas maaliwalas, at maginhawa ang publiko habang sila ay nakapila para magparehistro.
Sadya aniyang mayroon lamang ilang mga lugar na walang access ng malalaking mall kaya kung saan pwedeng gawin ang pagpaparehistro tulad ng covered court ay doon ginagawa ang rehistrasyon.
May ilang mga sitwasyon naman aniya na bagaman may magandang lugar tulad ng covered court pero kadikit kasi ng barangay hall kaya iniiwasan nila ito para manatiling nasa neutral ground ang lugar ng pagpaparehistro.
Kaugnay nito, humingi rin ng paumanhin si Laudiangco kung hindi man agad nasasabihan ang mga nakapila kung kaya ba silang ma-accommodate pa o hindi na sa maghapon.
Paliwanag ni Laudiangco, kulang talaga sila ng mga tauhan, limitado lamang sa dalawa sa isang field office kaya nakikipag-tulungan sa kanila ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para ayusin ang pila.