
Ibinasura ng Comelec En Banc ang Motion for Reconsideration na inihain ni Luis Joey Chua Uy, kaugnay sa pagbawi sa proklamasyon sa kanya bilang nanalong kongresista sa ika-6 na distrito ng Maynila
Sa desisyon ng en banc, iginiit nila na nakabatay ang desisyon ng Comelec 2nd Division sa Sec 6, Article 6 ng Konstitusyon na nagsasaad na hindi natural-born Filipino citizen ang respondent na si Uy kung kaya’t ang pagkapanalo niya at proklamasyon ay walang bisa.
Iginiit pa ng Comelec na base ang desisyon sa itinatakda ng 1935 Constitution na nakasasakop sa isyu ng citizenship ng kandidato.
Inatasan ng Comelec ang Board of Canvassers ng Lungsod ng Maynila na muling magbuo para iproklama si Congressman Bienvenido Abante Jr., ang nag-iisang kalaban sa puwesto bilang nahalal na miyembro ng House of Representatives para sa 6th District ng Maynila
Hindi naman kasama sa mga nagdesisyon sina Comelec Chairman George Garcia na may kaugnayan sa isa sa partido sa kaso at si Commissioner Ernest Maceda na dating miyembro ng Konseho ng Maynila.









