Ideneklara ng Commission on Elections (Comelec) na nagkaroon ng malawakang dayaan sa mayoralty race sa Lipa City noong 2019.
Ito’y matapos ibasura ng Comelec ang motion for reconsideration ni Mayor Eric Africa sa protesta na inihain ni Bernadette Sabili kung saan natuklasan sa pamamagitan ng technical examination ng poll body na higit 50% ng thumbprint at pirma ng mga botante sa araw ng halalan ay hindi tugma sa kanilang thumbprint at pirma noong magparehistro ang mga ito.
Sa desisyon ni Comelec Commissioner Socorro Inting ng Second Division, napatunayan na ang mga nasabing botante ay hindi tunay na mga botante sa lungsod.
Ayon sa kampo ng maybahay ni dating Mayor Meynardo Sabili, ang mga ebidensyang ito ay magiging sapat ding basehan para iproklama si Sabili bilang tunay na nanalo sa mayoralty race sa Lipa noong 2019.
Batay pa sa pinakabagong desisyon ng Comelec, pinahintulutan din si Sabili na iurong ang protesta hinggil sa natitirang 80% ng mga presinto na hindi pa nasuri dahil naniniwala ito na sa 20% pa lamang dito na na-imbestigahan na nila kung saan lumabas anila kung gaano kalawak ang nangyaring anomalya noong nakaraang eleksyon.