Suportado ng Commission on Elections ang panukalang batas para amyemdahan Omnibus Election Code at patawan ng multa ang mga nuisance candidate.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reform, iginiit ng mga mambabatas na patawan ng multang P100,000 ang mga indibidwal na mapapatunayang naninira lang ng halalan; mga nagiging sanhi ng pagkalito ng mga botante bunsod ng pagkakapareho ng pangalan ng rehistradong kandidato; at walang maipakitang kakayahan na magpapatunay na seryoso ang kanyang intensyon sa pagtakbo sa halalan.
Sa interview ng RMN Manila, binigyang-diin ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na ito ay upang seryosohin ng mga nuisance candidate ang itinakda ng batas na ginagawang katawa-tawa- ang sistema.
Sa kabila nito, sinabi ni Jimenez na bibigyan pa rin naman ng karapatan ang mga kandidato na patunayan na hindi sila nuisance candidate.
Para naman election expert na si Atty. Romulo Macalintal, hindi na kailangan pang pagmultahin ang isang taong tumakbo lalo na kung idineklara na itong nuisance candidate ng COMELEC.
Sinabi pa ni Macalintal na kinakailangan pa ng batas hinggil dito.
Nitong 2019 elections, umabot sa 84 senatorial aspirant ang idineklarang nuisance candidate ng COMELEC, habang noong 2016 elections ay umabot sa 251 na kandidato para sa pagka-presidente at pagka-bise presidente ang dineklarang nuisance candidates.
Sa ngayon ay nasa 97 ang naghain ng Certificate of Candidacy sa pagka-pangulo, batay sa tentative list ng COMELEC.