Plano ng Commission on Elections (COMELEC) na i-mandato sa mga field officer nito na kumuha muna ng written consent bago pumasok sa mga pribadong lugar para magsagawa ng Oplan Baklas.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, nakapaloob ito sa inamyendahang guidelines kaugnay ng campaign rules
Aniya, ia-update ng poll body ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 9006 o ang Fair Elections Act para isama ang proseso na kailangang sundin ng mga awtoridad kapag pumapasok sa mga pribadong lugar.
Gayunpaman, sinabi ni Jimenez na kailangan pa ring alisin ng mga awtoridad ang mga materyales na lumalabag sa standard size requirements.
Ang mga may-ari aniya ng campaign materials ay bibigyan ng hanggang tatlong araw para magdesisyon kung aalisin nila ito o ang kanilang field officer na ang gagawa nito.
Giit pa ni Jimenez, mahaharap pa rin sa mga kaso ang mga magmamatigas na alisin ang campaign materials na labag sa standard size requirements