Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na may ilan pa ang bumawi ng forms ng mga lagda para sa People’s Initiative.
Ito’y makaraan nilang ianunsyo na pwede ng bawiin ang mga lagda para sa People’s Initiative pagkatapos ang suspensyon sa pagtanggap ng signature forms.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, may isang bayan sa Antique ang nagdesisyong bawiin ang isinumite nilang lagda.
Ang signature forms na binawi sa kanilang local office sa Hamtic, Antique ay mayroong bilang na 3,757 na pirma.
Dagdag pa ni Garcia, welcome sa COMELEC kung saan masusundan pa sa ibang mga lugar ang pagbawi ng signature forms basta maibabalik din ang certification na binigay ng election officer sa tinanggap nitong mga lagda.
Sa mga signature form na hindi naman babawiin ay muling nanindigan ang komisyon na kailangan pa rin nila itong ingatan sa kabila ng suspensyon.
Hindi raw nila ito pwedeng sunugin, itapon o punitin dahil mayroon silang pananagutan sa mga lagdang kanilang tinanggap.
Iginiit naman ni Garcia na wala nang tinatanggap na signature forms ang kanilang local offices kasunod ng suspensyon ng proseso ng People’s Initiative kung saa hindi na rin sila tumatanggap pa ng anumang petisyon para dito hanggang hindi pa nila narerepaso ang kanilang guidelines.