Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na kanila ng iniimbestigahan ang alegasyon na may isang politiko ang nasa likod ng maanomalyang double registration scheme sa Barangay Carmona, Makati City.
Ito’y may kaugnayan sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30, 2023.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, inamin ng ilang indibidwal na dinala sila sa nasabing barangay para doon magparehistro kung saan binigyan pa sila ng kani-kanilang ID bilang requirements.
Aniya, ang mga ibinigay na ID ng mga nais magparehistro ay gawa-gawa lalo na’t mula ito sa hindi kilala o hindi naman nag-eexist na korporasyon.
Sinabi pa ni Garcia, hinakot ang mga nagparehistro ng soon-to-be politician na nais tumakbo sa susunod na halalan.
Lumalabas naman sa datos ng COMELEC, sa 4,147 na nagparehistro, 962 dito ay hindi residente ng Barangay Carmona.
Ikinagulat din ng mga opisyal ng barangay at mismong COMELEC ang pagtaas ng bilang ng mga aplikasyon ng nais magparehistro gayundin ng mga botante na nasa 78% kaya’t idineklarang void ng Election Registration Board (ERB) ang ilang indibidwal na nagparehistro para makaboto.