Ipinauubaya na ng Commission on Elections (COMELEC) sa Korte Suprema ang magiging desisyon nito sa petisyon na nagpapatigil sa bilangan at proklamasyon ni presumptive President Bongbong Marcos.
Ayon kay COMELEC acting Spokesperson Dir. John Rex Laudiangco, hangga’t wala pang opisyal na utos mula sa Supreme Court, tuloy pa rin ang gagawing bilangan ng Senado at Kamara na magco-convene bilang National Board of Canvassers (NBOC) sa presidential at vice presidential race.
Ipinaliwanag naman ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na tanging ang Supreme Court lamang ang maaaring makapigil sa Kongreso sa tungkulin nitong i-canvass ang mga boto para sa presidential at vice presidential race.
Aniya, mayroon silang tungkulin sa Konstitusyon na dapat gampanan at dapat sundin maliban kung pipigilan sila ng korte.
Batay sa petisyon na inihain ni dating Supreme Court Spokesperson Theodore Te, hiniling nito sa korte na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) sa bilangan ng NBOC sa May 24.