Hawak ng Senado at Kamara de Representante ang desisyon kung ipagpapaliban ang May 2022 national at local elections.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairperson Sheriff Abas, kailangang manggaling sa Kongreso ang pasya hinggil sa election postponement.
“If you will look at the Constitution there is a provision there saying that elections is on the second Monday of May. So, the date is definite although a law can be made on the extension, but again that is not the call of the Comelec,” sabi ni Abas.
Iginiit ni Abas na mahirap magdesisyon hinggil dito dahil kung ang pagbabasehan ay ang Konstitusyon, kailangan ng batas para i-urong ang halalan.
Dagdag pa ni Abas, mayroong probisyon sa Konstitusyon na ang termino ng incumbent officials ay magtatapos sa June 30.
“In order to be able to amend the Constitutional provision, it has to be approved by two-thirds of our congressmen and will need also for a plebiscite to be held,” ani Abas.
Batay sa Article 7, Section 4 ng 1987 Constitution, ang regular election para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat maganap sa ikalawang Lunes ng Mayo maliban na lamang kung may maaprubahang batas na layong ilipat ito ng ibang petsa.
Sa ngayon, naninindigan ang poll body na wala silang plano na ipagpaliban pa ang 2022 elections.