Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na isang opisyal nila ang sugatan matapos tambangan ang kanilang sinasakyan.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, inambush ang Provincial Election Supervisor ng Sulu na si Vidzfar Amil habang pauwi na mula sa Zamboanga International Airport.
Pero sa kasamaang palad ay nasawi ang kapatid nito na sumundo sa kanya.
Kasunod nito, mariin namang kinondena ni Garcia ang insidente kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na agad maibigay ang hustisya.
Hindi pa naman ikinokonsiderang may kaugnayan sa 2025 midterm elections ang nangyaring pananambang.
Noong 2022 elections, isa ang Zamboanga City sa election hotspots na tinukoy ng Philippine National Police dahil sa seryosong banta sa seguridad mula sa mga teroristang grupo.