COMELEC, Kongreso at Marcos Jr., pinagkokomento ng Korte Suprema hinggil sa hirit na TRO sa canvassing ng mga boto sa pagkapangulo

Pinagkokomento ng Supreme Court ang Commission on Elections (COMELEC), Senado at House of the Representatives at si presumptive President Bongbong Marcos Jr. sa petisyon na nagpapahinto sa canvassing ng mga boto sa pagkapangulo at pag-proklama ng susunod na pangulo ng bansa.

Batay sa SC, mayroong 15 araw ang lahat ng respondent para magkomento sa petisyong inihain ni Father Christian Buenafe na baligtarin ang desisyon ng COMELEC na nagbasura ng mga disqualification case laban kay Marcos.

Gayundin sa hiling na maglabas ang korte ng Temporary Restraining Order (TRO) sa nakatakdang pag-upo ng Senado at Kamara bilang National Board of Canvass (NBOC) para sa canvassing ng mga boto sa presidential at vice presidential race.


Paliwanag ng Korte Suprema, ikinonsidera nila ang mga alegasyon, isyu at argumento kaya inobliga ang mga respondent na magkomento hinggil dito.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Ted Te, abogado ng mga civic leader na malugod nilang tinatanggap ang hakbang na ito ng korte pero umaasa sila na hindi na pahahabain pa ang panahon dahil mahalaga ang bawat oras.

Facebook Comments