Lilimitahan sa 800 botante ang itatalaga kada clustered precincts para sa darating na May 2022 national and local elections.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, itinuturing nilang ligtas ang naturang dami ng botante bilang pag-adjust na rin sa nararanasang COVID-19 pandemic.
Paliwanag pa ni Jimenez, gusto pa nilang pababain ang bilang botante sa loob ng presinto ngunit limitado lamang ang suplay ng vote counting machines na hawak nila sa ngayon.
Matatandaang iminungkahi ni Comelec Commissioner Luie Guia na dapat itakda lamang sa 500 hanggang 600 botante ang itatalaga kada clustered precinct.
Iginiit naman ni Jimenez sa publiko na ligtas ang 800 voters per clustered precinct policy nito dahil sa 60 hanggang 70% lamang umano ang aktwal na magpapakita sa araw ng eleksyon.