
Isang special election ang idaraos upang punan ang nabakanteng puwesto sa ikalawang distrito ng Antipolo City.
Ito ay kasunod ng pagpanaw ni Rep. Romeo Acop noong December 2025.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, isasagawa sa March 14 ang special election na inaasahang lalahukan ng humigit-kumulang 300,000 rehistradong botante sa nasabing distrito.
Magiging manual ang botohan, kung saan sumulat na ang Comelec kay House Speaker Bojie Dy upang humiling ng pondo para sa isasagawang halalan.
Ayon sa poll body, kulang ang pondong nakalaan sa ilalim ng 2026 national budget para sa ganitong uri ng halalan, kung saan tinatayang aabot sa P98 million ang kakailanganing gastusin.
Paliwanag ng Comelec, kabilang na sa naturang halaga ang honoraria ng Board of Canvassers, ballot printing, training, deployment, at logistics ng mga kalahok sa halalan.
Patuloy naman ang koordinasyon ng COMELEC sa Kamara upang ipaalam ang mga kinakailangang hakbang kaugnay ng special election.










