Ipatutupad nang Commission on Elections (COMELEC) ang ilang mga paghihigpit para masiguro na mababawasan ang mga problema sa pagdaraos ng eleksyon.
Kabilang dito ang pagbabawal sa lahat ng watchers ng mga kandidato na pumasok sa mismong polling precinct o sa lugar na laan lamang sa mga botante.
Hindi rin sila pahihintulutan na makihalubilo o makipag-usap sa mga botante kahit kakilala o kaanak.
Bawal din ang pagpasok ng mga armadong tao sa mga paaralan at iba pang lugar na ginagamit sa botohan.
Kabilang dito ang mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel gayundin ang mga tanod at opisyal ng barangay kasama ang sangguniang kabataan.
Maaari lamang manatili ang mga pulis o iba pang nakatalagang otoridad sa loob ng 30-metro mula sa polling place kung hihilingin ng Electoral Board para pangalagaan ang mga dokumentong may kinalaman sa eleksyon.
Nauna nang hinikayat ni COMELEC Commissioner George Garcia ang mga botante na huwag nang magpasok ng cellphone sa mga presinto.
Sa halip ay isulat na lamang sa papel ang kanilang kodigo para sa mga iboboto ngayong darating na botohan.