
Tinapos na ng Commission on Elections (Comelec) ang fact-finding investigation kaugnay sa Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Senator Rodante Marcoleta.
Ito ay matapos pagpaliwanagin ng Comelec si Marcoleta dahil sa hindi umano pagkakatugma ng isinumiteng SOCE sa kaniyang statements of assets, liabilities, and net worth (SALN) nang tumakbo ito sa 2025 Elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, naging depensa ni Marcoleta na naibigay ang campaign donation bago pa man siya opisyal na maging kandidato.
Partikular na sinusunod kasi ng poll body ang ruling ng Korte Suprema sa Peñera vs. Comelec kung saan magiging kandidato lamang ang isang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) pagpasok ng unang araw ng campaign period.
Nauna nang sinabi ni Marcoleta na hindi niya idineklara sa SOCE ang mga natanggap na kontribusyon kasunod na rin ng hiling umano ng mga kaibigan na manatiling anonymous.
Nasilip ng Comelec ang SOCE ni Marcoleta kasunod ng deklarasyon nito na walang natanggap na kontribusyon sa mahigit P112 million na gastos sa kampanya gayong aabot lamang sa halos P52 million ang kaniyang SALN.
Ayon kay Garcia, ang Political Finance and Affairs Department ang maglalabas ng resolusyon kaugnay sa kaso.
Habang Comelec Law Department na ang magdedesisyon kung tutuloy na ito sa preliminary investigation.










