Pinagbigyan ng Commission on Elections (COMELEC) ang kahilingan ng kampo ni Vice President Leni Robredo para sa pagsasagawa ng random examination ng mga balota.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, inaprubahan ng En Banc ang kahilingan ni election lawyer Romulo Macalintal na kumakatawan sa kampo ni Robredo.
Sa susunod na linggo ay itinakda ng komisyon ang pagsusuri sa tatlo hanggang limang balota sa bawat lungsod o munisipalidad.
Layon nito na matiyak na hindi pre-shaded ang mga balotang gagamitin sa halalan sa Mayo.
Ayon sa COMELEC, mandato nila na tiyaking napapairal ang transparency at maiwasan ang pagdududa sa integridad ng proseso ng halalan.
Hiniling din ni Macalintal sa COMELEC na payagan ang watchers ng mga partido politikal sa pagsaksi sa pag-imprenta ng mga balota.
Una na ring kinuwestiyon ng ilang political parties, kabilang na si Senate Electoral Reforms Committee Chairperson Imee Marcos ang pag-imprenta ng COMELEC ng mga balota nang walang presensya ng mga saksi.