Makikipagtulungan ang Commission on Elections (COMELEC) sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) upang matukoy kung sino ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa electoral process at poll body.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, isang fake news item kasi ang nagsasabi na mayroon ng resulta ang halalan sa Mayo na kinasasangkutan ng 100% ng registered voters.
Bukod dito ay isang fake news item din ang kumakalat na naka-shade na ang mga balota bago pa ang halalan.
Iginiit ni Garcia na ang mga ito ay pawang fake news lamang at sisirain nito ang integridad ng electoral process kung kaya’t dapat imbestigahan at parusahan ang mga taong nasa likod nito.
Matatandaang noong Enero ay pinag-iingat ng komisyon ang publiko laban sa mga social media users na gumagaya sa mga poll commissioner at opisyal ng COMELEC.
Samantala, nanawagan naman si COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan sa publiko na maging responsable sa pagpapakalat ng mga impormasyon na may kaugnayan sa eleksyon.