Malamig ang Commission on Elections (COMELEC) sa panukalang palawigin pa ang voters registration period sa gitna ng matinding init ng panahon.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, ngayong Disyembre na kasi target ng poll body na simulan ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin sa halalan sa susunod na taon.
Lumutang ang mungkahi na i-extend ang voter registration lalo na’t posibleng hindi makalabas ang marami para makapagpa-rehistro dahil sa matinding init.
Sabi pa ni Laudiangco, malabo nang mapalawig pa ang registration dahil dadaan pa ang lahat ng aplikasyon sa election registration board hearing pagsapit ng October 15.
Matapos nito ay ia-assign pa ang mga registrant sa kani-kanilang mga presinto bago sumailalim sa automated fingerprint identification system para masiguro na walang flying voters.
Tuloy-tuloy naman ang satellite registration at register anywhere programs sa iba’t ibang bahagi ng bansa na tatagal hanggang September 30.