P5 billion ang dagdag na pondo na kakailanganin ng Commission on Elections o COMELEC kung matutuloy ang panukala na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan o BSK Elections na nakatakda sana sa December 2022.
Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ay sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang P8.449-B na pondo nito ay sapat lang para sa BSK Elections ngayong taon.
Paliwanag ni Garcia, kung maging ganap na batas ang pagpapaliban Brgy. Elections ay maraming dagdag na pagkakagastusan.
Pangunahing binanggit ni Garcia ang muling pagbubukas ng voter registration kung saan inaasahang dadami pa ang mga botante.
Sabi ni Garcia, dahil dito ay kakailanganin na magkaroon ng dagdag na mga presinto at dagdag din na forms, iba pang mga gamit sa pagboto katulad ng ballpen, ink at balota.
Diin pa ni Garcia, mangangailangan din ng dagdag na poll workers at popondohan din ang kanilang honoraria at training.