Ipinagbabawal na ng Commission on Elections o COMELEC Manila na manatili ng magdamag ang mga nais humabol sa pagpaparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Ayon Atty. Gregorio Bonifacio, chairman ng COMELEC Manila, ito’y bilang proteksyon sa mga kabataan at maiwasan na magkaroon ng hawaan ng COVID-19.
Aniya, inagahan na lamang nila ang oras ng pagpila kung saan nagsimula ito ng alas-5:00 ng umaga at magbubukas naman ang pagpaparehistro ng alas-8:00 ng umaga.
Sinabi ni Bonifacio na patuloy pa rin ang voter registration sa COMELEC-Arroceros para sa lahat ng residente ng 2nd District ng Maynila.
Ang mga barangay naman sa 1st at 4th District na nais magparehistro ay ginagawa sa SM Manila, 5th District sa Robinsons Place Manila, 6th District sa Robinsons Otis at mga residente ng 3rd District na nais magpatala ay ginagawa sa Lucky Chinatown Mall at SM San Lazaro.
Matatandaan na hanggang bukas, July 23, 2022 ang huling araw ng pagpaparehistro kung saan hindi na nagdesisyon pa ang COMELEC na palawigin ito.