Naglabas ng paalala ang Commission on Elections (COMELEC) para sa pagsisimula ng Local Absentee Voting (LAV) bukas Abril 27 na magtatapos sa Biyernes, April 29.
Ang LAV ay para sa mga magsisilbi sa mismong araw ng eleksyon sa May 9 kaya’t hindi na makaboboto sa naturang araw.
Kabilang sa paalala ng COMELEC ay ang pananatiling sikreto o palihim sa pagfill-up sa balota mula sa partylist hanggang presidente.
Kailangan din ilagay ang balota sa dalawang envelope na ang labas ay susulatan ng pangalan na may lagda bago ipapasok sa ballot box.
Sa datos ng COMELEC Committee on Local Absentee Voting, nasa 84,357 ang naaprubahang bumoto at pinakamarami rito ang mga pulis na nasa 47,021 kasunod ang Philippine Army na nasa 34,570.
Kasama rin sa makaboboto sa ilalim ng LAV ang nasa 957 miyembro ng media.
Sa abiso naman ni Commissioner George Garcia, ang pinuno ng bawat tanggapan ang mamamahagi ng balota para sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) bukod sa iba pang tanggapan ng gobyerno.
Ang mga miyembro naman ng media ay sa COMELEC-National Capital Region (NCR) boboto kung saan isasagawa ang pagbibilang ng boto sa LAV sa ganap na alas-7:00 ng gabi sa May 9 sa Bureau of Treasury sa Palacio del Gobernador.