Pinaalalahanan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga kandidato at partido sa Eleksyon 2022 na iparehistro na ang kanilang official accounts at websites hanggang Enero 31.
Sa Resolution No. 10748, nilinaw ng Comelec en Banc ang tungkol sa paggamit ng internet, mobile platforms, at social media na bilang election propaganda.
Sa ilalim nito ay tanging mga verified accounts, websites, blogs, at social media pages lamang ang pinapayagang gumamit ng electoral advertisements at mag-boost ng electoral posts.
Nabatid na ito ay isa sa mga hakbang ng poll body upang labanan ang pagkalat ng mga maling impormasyon kaugnay sa halalan.
Nauna nang sinabi ng COMELEC na makikipagtulungan ito sa social media platforms na Facebook at Twitter para sa pag-verify ng mga account ng mga kandidato sa Eleksyon 2022.
Samantala, maaaring namang magparehistro online sa pamamagitan ng link na ito https://bit.ly/2022NLESocMed ang mga kandidato at partido hanggang Enero 31, 2022.