Nanindigan ang Commission on Elections o Comelec na kailangan ituloy ang internet voting sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, naniniwala siya na mas mabigat ang mangyayari kung hindi itutuloy ang pagboto sa pamamagitan ng online kung saan posibleng bumaba ang voters turnout.
Sínabi pa ni Garcia na ang resolusyon ng Comelec en banc na nagtatakda ng internet voting kahit walang batas ay wala naman kumukuwestiyon sa Korte Suprema.
Maliban pa riyan, sinabi ni Garcia na umaasa ang mga botanteng Filipino sa ibang bansa na sila ay makalalahok sa pagboto sa 2025 election sa pamamagitan ng online.
Kaugnay nito, kumpiyansa ang Comelec na sa pamamagitan ng internet voting ay bababa ang gastos, mas darami at tataas ang bilang ng mga botante gayundin ang mga boboto sa susunod na halalan.