COMELEC, muling nanawagan sa publiko na magparehistro ng maaga sa pagbabalik ng voters’ registration

Muling nanawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko na magparehistro na habang maaga.

Ito’y upang maiwasan ang siksikan sa mga tanggapan ng COMELEC kung saan muling magbabalik ang voters’ registration simula bukas, January 4, 2021.

Sa isang panayam kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, nananawagan siya na huwag nang hintayin pa ng publiko ang deadline na itinakda sa September 20, 2021 at maiging maglaan ng oras na magtunggo sa kanilang tanggapan para magparehistro.


Nabatid na bago ang pansamantalang pagpapatigil ng voters’ registration noong December 29, 2020, tinatayang nasa 900,000 na ang bilang ng mga nagparehistro na malayo pa sa inaasahang bilang ng COMELEC na limang milyong bagong botante.

Bagama’t naiintindihan ng COMELEC ang sitwasyon ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic, huwag na sana raw hintayin ang huling buwan, linggo o araw ng pagpaparehistro upang hindi maghabol at hindi na rin makipagsiksikan sa iba.

Inaasahan din ng COMELEC na posibleng dumagsa ang mga botanteng may edad 18 taong gulang at senior citizen sakaling magbago ang ipinapatupad na community quarantine dahil sa ngayon ay hindi pa sila pinapayagang lumabas.

Paalala ng COMELEC, ang voters’ registration ay bukas simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon, Lunes hanggang Huwebes kung saan magsasagawa ng disinfection tuwing Biyernes pero maaari pang magbago ang schedule depende sa plano ng Local Government Unit.

Facebook Comments