COMELEC, nagbabala sa kumakalat na mga pekeng voter’s ID na ginagamit para makakuha ng ayuda

Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) sa publiko na hindi na sila nag-iisyu ng voter’s identification cards.

Sinabi ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na itinigil ang pag-isyu ng voter’s ID dahil na rin sa planong paglulunsad ng National ID System ng pamahalaan.

Ang paglilinaw ni Jimenez ay kasabay ng babala kaugnay sa mga kumakalat na fake IDs kung saan ang naglalabas nito ay isang scammer na nananamantala sa publiko sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Itinuturing din na fake news ang mga nagsasabing kailangang mayroon voter’s ID upang makakuha ng ayuda mula sa gobyerno sa gitna ng COVID-19 health crisis kaya naman naglipana ang mga pekeng COMELEC voter’s IDs.

Ayon sa COMELEC, bilang registered voter, ay hindi nangangahulugan na kuwalipikasyon ito upang makakuha ng ayuda mula sa gobyerno kung saan maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay sinabing hindi rin ito kailangan para makasama bilang benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP).

Taliwas ito sa mga nagsasabi na tanging mga registered voter lamang ng lungsod ang nabibigyan ng ayuda at hindi ang ibang napadpad o nangungupahan lamang sa isang syudad.

Pinayuhan naman ni Jimenez ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na Local COMELEC Office sakaling may mag-alok ng COMELEC voter’s ID.

Ang mga babalang ito at paglilinaw ay kasunod na rin ng ulat kung saan kamakailan ay may naaresto ang National Bureau of Investigation (NBI) na dalawang indibidwal na gumagawa at nagbebenta umano sa online ng pekeng voter’s ID.

Facebook Comments