Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato na tatakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 laban sa premature campaigning o maagang pangangampanya.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, ipinagbabawal pa ito ng komisyon dahil ang campaign period para sa 2023 BSKE ay sa October 19 pa.
Maituturing silang kandidato sa oras na ihain nila ang kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2.
Paalala ni Garcia, kapag nakapaghain na ng COC ay dapat tanggalin ang lahat ng mga posters na naglipana sa mga kalye, dahil kung hindi ay maaari silang makasuhan at maaaring madiskwalipika.
Paglilinaw pa ng opisyal, lahat ng maghahain ng COC mula sa nasabing mga petsa ay maituturing nang mga kandidato at hindi mailalapat ang Penera versus Comelec case, o ang doktrinang nagsasabi na pwede lamang parusahan ang kandidato sa oras ng campaign period.