Comelec, naglabas ng alituntunin sa paggamit ng social media sa pangangampanya

Manila, Philippines – Naglabas ng alituntunin ang Commission on Elections (Comelec) para sa paggamit ng social media ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya.

Sa inilabas na Comelec Resolution no. 10488 o guidelines for social media campaign, inilatag ng Comelec ang mga dapat sundin ng mga kandidatong gumagamit ng social media sa kanilang kampanya.

Ayon sa Comelec, ang social media ay itinuturing na ngayong bahagi ng mass media at ang mga post sa social media ay bahagi na ng lawful election propaganda.


Nakasaad din sa guidelines na bawal na ang pagpapakita o pagpapalabas sa anumang social media network ng pelikula, documentary o kahalintulad na uri na tumatalakay sa buhay o biography ng isang kandidato.

Ang mga ahensya na may online political advertisements ay obligadong magsumite ng mga report at kopya ng kanilang advertising contracts gaya ng isinusumite ng mga mass media entity.

Nakasaad din sa alituntunin na bahagi na ng election campaign o partisan political activity ang paggamit ng social media platform, paggamit sa mga grupo o community pages para sa pangangampanya.

Kailangan ding i-rehistro ng mga kandidato at partido sa education and information department ng Comelec ang website name at web address ng kanilang official blog o social media page na ginagamit.

Facebook Comments