Naglabas ng ilang paalala ang Commission on Elections (COMELEC) para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa August 28 ng mga kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).
Ayon sa COMELEC, hindi tatanggapin ang mga COC kung wala itong kalakip na documentary stamp, walang lagda ng kandidato, at walang pirma ng notaryo publiko.
Hindi rin tatanggapin ng komisyon ang COC, kapag hindi kumpleto ang address ng tirahan at hindi kumpleto ang pagkakasagot sa COC form.
Dapat ding tatlong kopya ng COC ang i-file para sa pagtakbo sa isang posisyon lamang.
Ang paghahain ng COC ay tatagal lamang ng anim na araw, mula August 28 hanggang September 2, 2023, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa opisina ng Election Officer na nakakasakop sa barangay kung saan nais maihalal ng isang kandidato.